PINOY LEARNERS MAY TIYANSANG MAKAPAG-ARAL SA EUROPA
MABIBIGYAN ng pagkakataon ang mga Filipino learner na makapag-aral sa Europa kasunod ng pagsasanib-puwersa ng Silliman University at European Delegation to the Philippines para sa kauna-unahang virtual European Higher Education Fair 2020 na gaganapin simula ngayong araw, Oktubre 2, hanggang bukas, Oktubre 3.
Una nang tinanggap ng SU sa Dumaguete, Negros Oriental na maging regional partner sa Visayas ng EU Delegation to the Philippines para sa virtual fair na maaaring lahukan sa pamamagitan ng official website ng EHEF 2020.
Ayon kay Dr. Warlito S. Caturay Jr., SU English and Literature Department faculty member at point person para sa EHEF 2020 ng SU, itinalaga ng EU Delegation ang Siliman U para maabot ang local community na kanilang mabibigyan ng assistance, gayundin na mapalawak ang kanilang pagtulong sa Visayas region.
“During the fair, [SU] will also be in charge of one structured webinar on Medicine and Allied Sciences,” dagdag pa ni Caturay.
Inihayag ni Dr. Betty Cernol-McCann, SU president, na ang higher education institution ay kailangang magsanib-puwersa para patatagin ang kanilang layunin na makatulong sa iba’t ibang bansa sa gitna ng pandemya.
Paglilinaw naman ni Thomas Wiersing, chargé d’affaires ng EU Delegation to the Philippines, na sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkasundo ang EU na mag-organisa ng annual fair online dahil sa Covid19 pandemic.
Sa record, 93 European higher education institutions mula sa EU ang lumahok sa EHEF 2020 at ang mga ito ay ang EHEIs sa Austria, Belgium, Czech Republic, Finland, France, Germany, Hungary, Italy, the Netherlands, Spain, Sweden at Slovak Republic, na sumali sa fair sa unang pagkakataon..
Dagdag pa ni Wiersing, ang fair ay may kabuuang 29 webinars, kasama ang course offerings, research programs, sponsorships, at mobility opportunities.
Nakapaloob din sa fair ang country presentations, live chat windows sa EHEI representatives, virtual meeting rooms, at structured webinars na kakailanganin ng mga learner at ng university officials at mga ito ay pawang accessible sa EHEF 2020 website.
Bukod sa Siliman University, itinalaga rin ang Ateneo de Manila University (Metro Manila), Wesleyan University (Luzon), at Xavier University-Ateneo de Cagayan (Mindanao) bilang regional hubs para sa nasabing fair.
Higit na makikinabang ang mga learner sa fair dahil maaari silang maka-avail ng post-graduate degree sa pamamagitan ng distance education programs.