4 NA SUSPEK SA PAGKAMATAY NG CRIMINOLOGY STUDENT SA HAZING KAKASUHAN
MAHAHARAP sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Law ang apat na suspect sa pagkamatay ng isang 25-anyos na criminology student.
Sinabi ni Quezon City Police District director Police Brigadier General Red Maranan na dalawa sa apat na suspek ang gumawa ng extrajudicial confession hinggil sa umano’y hazing incident.
Aniya, nakikipagtulungan ang mga suspek sa pulisya hinggil sa nasabing insidente.
“Umaamin sila na talagang kasama sila doon sa sinasabing initiation rites. Nakikipagtulungan sila sa atin. Nakapagbigay pa sila ng sampu pa na kasamahan nila doon sa initiation, kaya madaragdagan ang mapa-file-an natin ng kaso,” sabi ni Maranan sa panayam sa DZBB.
Kinilala ang biktima na si Ahldryn Bravante na nasawi umano sa hazing sa isang abandonadong gusali sa kanto ng Sto. Domingo Avenue at Calamba Street sa Quezon City noong Lunes.
Sinabi ng dalawang suspek, sa imbestigasyon ng pulisya, na sila ay mga miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity. Anila, si Bravante ay isang neophyte na sumailalim sa initiation rites kasama ang mga miyembro ng frat.
Base sa cursory examination, nagtamo si Bravante ng hematoma sa magkabilang binti at mga marka ng nasunog na sigarilyo sa kanyang dibdib at magkabilang kamay.
Sinabi ni QCPD spokesperson Police Lieutenant Colonel May Genio na sasampahan ng kaso ang apat na suspek para sa paglabag sa Republic Act 11053 o Anti-Hazing Act of 2018.
“Ang nagplano o lumahok sa hazing na ito ay mahaharap sa parusang reclusion perpetua o hanggang 40 years na pagkakakulong at multang P3 milyon kung ang hazing ay magreresulta sa kamatayan kagaya nga nito,” ayon kay Genio.