WEBSITE NG UP CEBU NA-HACK
NA-HACK ng hindi pa nakikilalang suspek ang opisyal na website ng Unibersidad ng Pilipinas – Cebu noong Lunes, Setyembre 28.
Bandang ika-9 ng gabi nang magpahatid ng alarma sa Facebook ang Tug-ani, ang opisyal na pahayagang pangmag-aaral ng UP Cebu, hinggil sa naturang insidente.
Ang website, na agad naman ding na-offline, ay dagling napuno ng mga bastos na mensahe at sumasayaw na memes ng artistang si Ricardo Milos.
Ayon kay UP Cebu Information Technology Center Chief Van Owen Sesaldo, nirespondehan nila kaagad ang insidente nang mapansing may anomalya sa local server. Bagaman wala itong laman na sensitibong impormasyon ay minabuting agad na i-shut down ang website nang maputol na ang akses ng mga hacker sa iba pang kaakibat nitong webpages.
Siniguro naman ni Sesaldo na rerebyuhin nila ang mga nakalap na datos at agad na ia-update ang website framework para hindi na ito mangyari pa sa hinaharap.
“We will review and locate the hackers’ entry point and we will see to it that the next time we go public, our security is already improved,” pangako ni Sesaldo sa UP Cebu University Student Council.
Samantala, pinangangambahan ng mga iskolar ng bayan ang naturang hacking lalo pa ngayong mainit sa mata ng militar ang pamantasan.
Simula nang ipatupad ang Anti-Terror Law ay sunod-sunod na ang mga ‘surveillance’ sa mga aktibista’t lider estudyante ng UP. Sa katunayan, ilang buwan lamang ang nakararaan ay pinaghuhuli ng pulisya ang #Cebu8 habang mapayapang nagpipiket sa gate ng UP Cebu.