Nation

844 ESTUDYANTE SA PARANAQUE NAGTAPOS SA ALS

/ 11 August 2023

NASA 844 estudyante ang nagtapos sa Alternative Learning System nitong Miyerkoles, Agosto 9, sa Parañaque City Sports Complex.

Sinabi ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez na sa naturang bilang, 140 ang nasa elementarya habang 704 ang nasa junior high school.

Sa kanyang talumpati bilang guest speaker sa graduation ceremony ay pinasalamatan ni Olivarez ang Department of Education Schools Division Office ng lungsod, sa pamumuno ni Dr. Nerissa Losaria, sa kanyang kooperasyon at masinop na pagtatrabaho para sa implementasyon ng ALS sa 15 barangay sa lungsod.

Bukod sa DepEd Parañaque ay nagpasalamat din si Olivarez sa mga guro sa kanilang pagbibigay ng suporta at paghihirap sa pagtuturo ng mga estudyante ng ALS.

Hinimok naman ng lokal na pamahalaan ang lahat ng residente sa lungsod na nagnanais na mag-aral na kumuha ng ALS program, na isang practical learning system na makapagbibigay ng praktical na opsyon sa kasalukuyang pormal na edukasyon.

Kasabay nito ay hinimok din ni Olivarez ang mga nagtapos sa ALS na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa senior high school upang maging matagumpay at makamit ang kanilang mga ambisyon at pangarap sa buhay.