Letters of Youth

MGA ORIHINAL KONG TULA TUNGKOL SA PAG-IBIG (PART 1)

/ 31 July 2023

Kape

Nakikita ko sa krema ng aking kapeng tinitimpla
Ang mga gunita, mga ala-ala na tayo’y magkasama
Hindi pa ako humihigop ngunit hindi na maalis
Ang ngiti kong dala kasama ang kilig at tamis

Tula

Tila isang tulang walang sukat at tugma
Ang pag-iibigan natin na puno ng akala
Ngunit huwag tayong magsalita ng maaga
Dahil kapag nabuo na ay doon makikita ang ganda

Bumbilya

Ikaw ang bumbilya na nag-liwanag sa aking silid
Ang nag pailaw sa isipan kong madilim
Ang naglagay ng ngiti sa aking mga pisngi
Ang dahilan kung bakit nagawa kong magsulat muli

Mahika

Naging kahanga-hanga ang buhay simula nang ako ay umibig sa iyo
Binibigyan mo ako ng dahilan para magawa ang mga bagay-bagay
Ikaw ang nag-udyok sa akin sa mga mahihirap na panahon
Parang mahika talaga itong pagmamahal na nararamdaman ko para sayo

Sayaw

Halina’t isasayaw kita ng dahan-dahan
Lumapit ka sakin at hawakan ang aking kamay
Huwag kang matakot, magtiwala saking gabay
Sapagkat iingtan kita sa sayaw ng habang buhay

Asin

Gusto kitang kilalanin ng parang asin
Tinatantsa sa bawat pagtimpla ng pagkain
Kada gamit ay dahan-dahang napapakasanayin
Unti unting kikilalanin at matututunan ang hindi akalain
At kapag ika’y wala ay laging hahanapin

Ikaw

Huwag kang humingi ng tawad
Para sa kung sino ka
Hindi mo alam kung gaano kita kamahal
Dahil sa iyong pagkatao

Totoo

Mahal ko, ang gusto ko lamang ay ang totoo
Hindi mo kailangang baguhin ang sarili mo
Mamahalin ang bawat bagay na tungkol sa iyo
At hinding hindi titigil ano man ang iyong anyo

Simple

Ayoko sanang maging abala
Pero ikaw at wala ng iba
Tawagin na nila akong tanga
Ang mahalaga’y kilala na kita

Bulag

Aaminin ko, ako ay bulag sa pag-ibig mo
Pero kung may gagabay sa akin mundo
Gusto kong ikaw ang taong iyon
Dahil pinagkakatiwalaan kita ng buhay ko