PROJECT ‘UNIVISITY’ VS NPA RECRUITMENT SA MGA PAARALAN INILUNSAD SA NUEVA ECIJA
AKTIBONG nakilahok ang libo-libong Senior at Junior High School students mula sa General Tinio, Nueva Ecija sa Project “UniVISITy” ng Northern Luzon Command.
Ang project “Univisity” ay bahagi ng National Security Awareness Drive ng NOLCOM, sa tulong ng Situational Awareness and Knowledge Management Cluster ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict upang mapigilan ang pagre-recruit ng NPA sa mga paaralan.
Sa koordinasyon ng 7th Infantry Division ng Philippine Army, huling binisita ng NOLCOM ang Bago High School, Rio Chico High School, at Pias High School sa General Tinio, Nueva Ecija.
Ayon kay NOLCOM Commander Lt. Gen. Fernyl Buca, layon ng aktibidad na lumikha ng henerasyon ng kabataan na aktibong makapag-aambag sa kaligtasan at seguridad ng bansa.
Sa pamamagitan, aniya, ng impormasyong ipinamamahagi sa mga mag-aaral, mamumulat sila sa mapanlinlang na recruitment tactics ng mga teroristang komunista.
Matatandaang unang inilunsad ng NOLCOM ang project “Univisity” noong November 28, 2022, sa Jose V. Yap National High School sa Tarlac City, kasunod ang Tarlac National High School.