Nation

STUDENT ACHIEVERS SA PASIG MAY CASH INCENTIVES

/ 14 June 2023

BUKOD sa pagkilala, makatatanggap din ng cash incentives mula sa lokal na pamahalaan ng Pasig ang mga natatanging mag-aaral na nagbigay ng karangalan sa lungsod.

Sa isang maiksing programa na bahagi ng lingguhang pagtataas ng watawat Martes ng umaga, June 13, sa Pasig City Hall Quadrangle, kinilala at pinarangalan ang mga natatanging mag-aaral na Pasigueño na lumahok sa iba’t ibang academic competitions.

Sa ilalim ng Ordinance No. 105, s. 2023, bibigyang parangal at cash incentives ang mga mag-aaral na Pasigueño na nagwagi sa iba’t ibang national at international academic competitions.

Para sa national competitions, makatatanggap ng P5,000 ang mga bronze medalist, P10,000 sa silver medalists, at P20,000 naman para sa mga gold medalist.

At para naman sa mga nagwagi sa mga international competitions, tatanggap ng tig-P10,000 ang mga bronze medalist, P20,000 sa silver medalists, at P30,000 naman sa mga gold medalist.

Sa maiksing mensahe ni Mayor Vico Sotto, kanyang ipinaliwanag na bukod sa mga atletang Pasigueño, nararapat din na kilalanin at bigyang insentibo ang mga mag-aaral na lumalaban academically at nagbibigay ng karangalan sa Lungsod ng Pasig.

Hinihikayat din ng alkalde ang lahat na panatilihin ang pagsulong ng pagpapaunlad ng spirit of excellence sa Lungsod ng Pasig— sa sports man o academics at maging sa kahit anong aspeto ng buhay.