Nation

INTERNET ALLOWANCE SA MGA TITSER

/ 28 July 2020

SA PAGPASOK ng new normal, inihayag ni Sen. Grace Poe na madaragdagan ang gastusin ng mga guro sa pagtupad nila sa kanilang tungkuling makapagbigay ng de kalidad na edukasyon sa kanilang mga estudyante.

Ipinaliwanag ni Poe na dahil sa online classes, kinakailangang matiyak na may internet connection ang mga guro para sa mas madaling pakikipag-ugnayan hindi lamang sa mga estudyante kung hindi pati sa mga magulang.

Bunsod nito, isinusulong ni Poe na mabigyan ng internet allowance ang mga guro sa loob ng panahong ipatutupad na ang online learning.

Sa kanyang Senate Resolution No. 456, hinimok ni Poe ang Executive department na bigyan ng allowance ang mga pampublikong guro sa elementarya at sekondarya sa panahon ng online classes upang hindi na ito makadagdag pa sa iisipin ng mga guro.

Sinabi ni Poe na ang P3,500 one-time cash assistance sa mga guro na dating chalk allowance ay hindi sasapat para sa stable internet connectivity.

“Kung dati ay chalk lang ang binibili ng ating mga guro, ngayon ay internet o wifi load na. Hindi hamak na mas mahal ‘yun,” pahayag ni Poe.

Inirekomenda rin ni Poe na makipag-ugnayan ang DepEd sa mga kinauukulang tanggapan upang magkaroon ng diskwento sa internet load ang mga guro.

Sinabi ni Poe na batay sa panukala ng isang teacher’s group, maaring bigyan ng P1,500 kada buwan na internet allowance ang mga guro na nangangahulugan na kakailanganin ng DepEd ng P12.855 billion para sa 10 buwan.