LEARNING PODS GAWIN SA LOW-RISK AREAS — SOLON
SA GITNA ng pagsuporta sa plano ng Department of Education na kumuha ng ‘learner support aides’ para sa pagpapatupad ng distance learning, iginiit ni Senador Win Gatchalian na dapat italaga ang mga ito sa ‘low-risk areas’ o sa mga lugar na walang aktibong kaso ng Covid19.
Sa Covid19 tracker ng University of the Philippines, ayon kay Gatchalian, may 473 munisipalidad sa bansa ang wala nang aktibong kaso ng virus.
Kasama na rito ang 22 munisipalidad sa Maguindanao, 20 sa Abra, 19 sa Ilocos Sur, 10 sa Ilocos Norte, 22 sa Bohol, 16 sa Sulu, 14 sa Eastern Samar, 16 sa Surigao del Norte at 14 sa Zamboanga del Norte.
Ipinaliwanag ng chairman ng Senate Commiitee on Basic Education, Arts and Culture na ang konsepto ng learner support aides ay katulad ng ‘learning pods’ kung saan iipunin ang mga mag-aaral na hindi bababa sa 10 sa isang lugar at saka tuturuan.
Naging popular ang learning pods sa Estados Unidos dahil hirap ang maraming magulang na tutukan ang kanilang mga anak para sa distance learning.
Sa budget hearing sa Senado, sinabi ni DepEd Undersecretary Jesus Mateo na isinasapinal na nila ang mga patakaran para sa pagtanggap ng learner support aides, kabilang na ang mga tutor, upang masuportahan ang mga magulang na hindi kayang gabayan ang kanilang anak habang nag-aaral sa bahay.
Sa gitna ito ng paalala ni Gatchalian na maraming mga magulang ang abala rin sa trabaho lalo na ngayong work-from-home ang sistema.
“Ang aking suhestiyon ay mag-deploy na agad ng learner support aides lalo na’t may mahigit 400 na munisipalidad na wala namang aktibong kaso ng Covid19. Kailangang siguruhin lang natin na ang mga tutors at learner support aides ay susunod sa mga health standards. Alam ninyo naman ngayon, ang pag-imbita ng kahit na sino sa ating mga bahay ay maaaring magdulot ng pagkalat ng virus,” pahayag ni Gatchalian.