Region

DEPED-NEGOCC NILIMITAHAN ANG OUTDOOR ACTIVITIES SA ELEMENTARY, HS STUDENTS

/ 27 April 2023

NILIMITAHAN ng Department of Education-Schools Division ng Negros Occidental ang mga outdoor activities sa elementary at high school learners at mga guro sa gitna ng matinding init ng panahon.

Inilabas ni Schools Division Superintendent Anthony Liobet ang guidelines sa mga eskwelahan kung saan naglalaman ito ng general recommendations.

“The hot weather condition experienced in the country at present is normal and inevitable, although it is too severe possibly because of the global warming caused by climate change. Given this, all schools are directed to put in place the necessary precautions to minimize or mitigate the effects of the hot weather,” wika ni Liobet sa Division Memorandum No. 325.

Sa direktiba, inatasan ang mga paaralan na subaybayan ang araw-araw na heat advisories sa pamamagitan ng website ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.

Dahil sa kaganapan, inatasan din ang mga eskwelahan na huwag magsagawa ng mga outdoor activities mula alas-9 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.

Gayundin, pinaaalalahanan sila na limitahan ang oras na ginugugol sa labas, kung hindi man ay manatili sa isang lilim na lugar, at mag-iskedyul ng mga aktibidad sa simula o pagtatapos ng araw kapag ang temperatura ay mas malamig.

Inaatasan din ang mga eskwelahan na mag-imbak ng sapat na yelo upang magamit sa panahon ng emergency at tiyakin ang pagkakaroon ng mga pang-emergency na gamot.