2,000 GADGETS IPINAMAHAGI NI KAP SA MGA ESTUDYANTE
DUMOBLE ang ipinamahaging gadgets ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. sa mga estudyante sa pagdiriwang ng kanyang ika-54 kaarawan kahapon, Setyembre 25.
Mula sa unang ipinangakong 1,000, umabot sa 2,000 gadgets ang ipinamigay ng senador sa kanyang apat na gabing pakikipagtalastasan sa netizens sa Facebook at YouTube.
Kabilang sa mga naibigay ang 1,500 tablets, 230 cellphones, 100 phablets at 28 laptops, at kaugnay ng pagdiriwang ng Teachers’ Month ay mahigit sa 200 guro ang nabiyayaan ng gadgets para magamit sa blended learning.
Isa sa unang nakakuha ng gadget ang isang ama mula sa Naga City, Camarines Sur na nag-viral matapos na ibarter ang mga alaga niyang manok kapalit ng tablet para sa kanyang anak ngunit na-scam.
“Natutuwa ako dahil marami sa ating nabigyan ng tablet ay ‘yung mga kababayan nating nangangailangan talaga, kung ako nga lang ang masusunod ay bibigyan natin lahat ngunit dahil sa sobrang dami ay hindi natin kakayanin kaya idinaan na lang natin sa raffle” paliwanag ni Re-villa.
Inilunsad ni Revilla ang ‘KAP program o ang ‘Kaalaman Ating Palawakin’ upang magkaroon ng gadget giveaway at makatulong sa maraming mag-aaral.
“Hindi kasi tama na marami ang nangangailangan sa panahong ito tapos gagastos tayo dahil lang sa birthday, kaya mas minabuti kong mamahagi na lamang ng tablet, cellphone at laptop, at ilang gabi ko pang kapiling ang marami sa ating kababayan” pahayag ni Revilla.
Nagsimula ang pamamahagi ng senador ng gadgets noong Setyembre 20 kung saan namigay rin ito ng papremyo sa mga sumali sa games sa live program.