Nation

AKTIBIDAD NG MGA ESTUDYANTE SA ISKUL BANTAYAN — PNP

/ 4 March 2023

NANAWAGAN ang Philippine National Police sa mga eskuwelahan at magulang na i-monitor ang aktibidad ng mga mag-aaral para maiwasan ang mga insidente ng hazing.

Ang panawagan ay ginawa ni PNP Public Information Office Chief Col. Red Maranan kasunod ng pagkamatay ng Adamson University student na si John Matthew Salilig dahil umano sa hazing.

Paalala ni Maranan sa mga fraternity, may umiiral na anti-hazing law na habambuhay na pagkabilanggo ang parusa.

Mula, aniya, 2012, ang pinakamataas na bilang ng insidente ng hazing ay 30 noong 2018, na tuloy-tuloy na bumaba sa lima noong 2022.

Paliwanag ni Maranan, papasok lang ang PNP kapag may paglabag na sa batas, kaya dapat aktibo rin ang mga paaralan at magulang sa aspeto ng “prevention” ng hazing, lalo pa’t sa loob ng paaralan naka-base ang mga fraternity.

Samantala, sumuko na ang isa pang suspek sa pagkamatay ni Salilig na isang alyas Daniel, 23, dakong ala-1:30 ng hapon nitong Huwebes, Marso 2.

Si Daniel umano ang master initiator.

Iniharap ito kay Cavite Provincial Police director Police Colonel Christopher Olazo at dinala sa Trece Martires City para sa wastong dokumentasyon.

Sinabi ni Olazo na umamin ang suspek na isa siya sa mga naglibing sa biktima sa Imus, Cavite.