LIBRENG WEBINAR SERIES PARA SA MGA GURO TAMPOK NG PWU
NGAYONG panahon ng pandemya, ang lahat ng guro sa buong Pilipinas ay patuloy na naghahanda para sa new normal mode of education sa elementarya, sekundarya, senior high, kolehiyo at kahit sa gradwadong aralin.
Batid ng Philippine Women’s University ang pangangailangang ito kung kaya’t nagdesisyon ang pamantasan na isapubliko ang dapat sanang internal lamang na pagsasanay ng mga gurong may pagnanais magpalawig ng kaalaman sa online, blended, at flexible learning.
Pormal na isinapubliko ng PWU ang webinar series noong Hulyo 13 na dinaluhan naman ng higit sanlibong guro sa buong bansa. Tinalakay rito ang mga maiinam na paraan sa pagpapabuti ng time management at assessment evaluation skills gamit ang Google Suites for Education at iba pang tukoy na Learning Management Systems.
Kung paano naman matuturuan ang mga mag-aaral ng pag-aaplay sa personal na buhay ng mga konseptong matututunan mula sa mga online class at modules ang naging kongklusyon ng webinar.
Mahuhusay ang mga panauhin at gurong tumalakay ng mga paksang teknikal at instruksiyunal na pinangunahan ni Ardyn Albert Gonzales, guro sa Pananaliksik, Agham Panlipunan at Humanidades, mula sa Departamento ng Agham-Politika, Uniberisdad ng Pilipinas Diliman.
Katuwang niya rito sina John Paul DG Tebia at Amiel Kim Capitan, mga guro ng PWU. Si Dr. Alvin Sicat naman ang naghatid ng mga paksang pampagtuturo sa new normal, sintesis, at pangkalahatang paglalapat ng mga talakay sa kabuuan ng sesyon.
Libre at bukas pa rin sa publiko ang mga susunod na webinars ng PWU. Maaaring mapanood ito sa opisyal nilang Facebook page: https://www.facebook.com/PWU.OfficialFanpage/