KLASE SA MASBATE CITY SUSPENDIDO
WALANG pasok sa lahat ng antas ng klase sa Masbate City.
Ito ay kasunod ng pagtama ng 6.0 magnitude na lindol sa nasabing lungsod kahapon, Pebrero 16, alas-2:10 ng madaling araw.
Sa kanyang inilabas na circular, sinabi ni Masbate City Mayor Socrates Tuason na ang class suspension ay upang bigyang-daan ang monitoring at pagsisiyasat sa mga istraktura gaya ng mga paaralan, iba’t ibang gusali at tulay sa lungsod.
Ang epicenter ng 6.0 magnitude na lindol ay natunton sa layong 11 kilometro hilagang-kanluran ng Dimasalang, Masbate.
Naramdaman ang pagyanig sa mga karatig-bayan at lalawigan ng Kabisayaan at Kabikulan hanggang sa Katimugang Luzon.
Hanggang alas-2 ng hapon ay umabot na sa 100 ang aftershocks.
Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa insidente habang isang bahay ang iniulat ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office na nawasak.