Nation

ISUMBONG ANG SUC NA PINAPABORAN ANG FOREIGN STUDENTS – LAWMAKER

/ 23 September 2020

IGINIIT ni Senadora Imee Marcos na dapat itigil ang commercialization practices sa state universities and colleges dahil nagbibigay ito ng oportunidad sa foreign students na makamit ang kapantay na benepisyo para sa mga estudyanteng Filipino.

Ipinaalala ni Marcos na may enrollment quota ang mga SUC kaya  nakakahati pa sa oportunidad ng mga Pinoy ang mga dayuhang estudyante, partikular sa kursong medisina.

“Unahin natin ang kapwa natin Filipino. Gamitin natin ang ating buwis para sa mga Filipinong gustong maging doktor, lalo sa ganitong mga panahong may pandemya,” pahayag ni Marcos.

“Mababalewala ang pagsisikap nating madagdagan ang mga doktor ng bayan at malulustay lang sa mga dayuhan,” dagdag pa niya.

Hiniling din ni Marcos sa Commission on Higher Education na magsumite ng listahan ng mga foreign student sa SUCs sa nakalipas na limang taon.

Aminado si CHED Chairman Prospero de Vera na tali ang kanilang kamay na limitahan ang bilang ng foreign students sa SUCs dahil karapatan ng Board of Regents ng bawat kolehiyo at unibersidad na desisyunan ang pagtanggap sa kanila.

Sa tala ng Bureau of Immigration, nasa 26,000 ang foreign students sa bansa subalit hindi matukoy kung ilan ang kasalukuyang nag-aaral ng medisina sa walong SUCs.

Hiniling din ni Marcos sa CHED, SUCs at Bureau of Immigration na agad repasuhin ang mga panuntunan sa mga foreign student upang matiyak na mabibigyang prayoridad ang mga Filipinong  mag-aaral.

Hiningi rin ni Marcos ang kooperasyon ng mga medical student organization na maging alerto at isumbong sa gobyerno kung may mga SUC na pinapaboran ang mga banyagang mag-aaral.