DEPED NAGPASAKLOLO SA PRIBADONG SEKTOR PARA SA PONDO
UPANG matugunan ang pangangailangan sa pondo para sa rehabilitasyon ng mga silid-aralan na winasak ng mga sunod-sunod na bagyo at iba pang kalamidad gaya ng paglindol, humingi na ng tulong ang Department of Education sa pribadong sektor.
Kahapon ay sinimulan ang pulong na may temang ‘Stakeholders and Partners Meeting Cum Call for a Donation Activity’ ng DepEd.
Isinagawa ito sa Citystate Tower sa Maynila kung saan iniharap ng mga opisyal ng kagawaran sa mga stakeholder ang kanilang suliranin sa mga gagawing paaralan at silid-aralan na winasak ng mga kalamidad simula 2016.
Bagaman mayroon namang naibibigay na pondo sa kanila ang pamahalan ay kapos na kapos kaya naman nakatengga ang mga proyekto.
Ipinakita rin ng DepEd officials ang mga pangangailangan at mga nawasak ng bagyo sa imprastraktura ng kagawagan maging ang danyos mula sa paglindol sa Abra kamakailan.
Mayroon ding panukala na gagawing upuan at mesa para sa mga estudyante na dinisenyo para sa pandemya at kalamidad.
Subalit hindi ito maisasakatuparan kung wala silang pondo.
Kaya naman lumalapit ang DepEd External Partnership Service sa pribadong sektor.
Inasahan na malaki ang gagampanan ng partners nito na ALC Group, Citystate Savings Bank, Fortune Life at Citystate Tower upang matupad ang hangarin na sapat na silid-aralan sa mga pampublikong paaralan.
Nagpasalamat naman si Dr. Edel Carag, ang director ng DepEd External Partnership Services sa ALC Group of Companies.
Sa datos na iprinisinta ng DepEd-EPS, ang pinakamaraming nawasak na paaralan ay ang Bagyong Paeng mula sa mga nagdaang bagyo noon pang 2016.