LABI NG GURO NA NASAWI SA BATAAN TRAGEDY NAIUWI NA SA QC
NAIUWI na ang labi ng babaeng guro na nasawi nang mahulog sa bangin ang service bus ng Department of Education sa Barangay Tala, Orani, Bataan nitong Sabado ng tanghali, Nobyembre 5.
Agad namang nagpahatid ng pakikiramay ang Schools Division Office ng Quezon City sa masaklap na sinapit ng biktima na nagtuturo sa Payatas B Elementary School.
Sa official statement ng SDOQC, tatlong service bus mula sa San Francisco Elementary School na lulan ang mga guro mula sa lungsod ang nagtungo sa Sinagtala Resort sa Orani, Bataan para sa seminar nitong Nobyembre 4.
Makaraan ang isang araw ay pauwi na sana ang mga guro subalit ang bus na may plakang SAA 9845 ay nagkaaberya sa preno, ayon na rin sa driver nito na si Marcelino Olivia kaya bumulusok sa 15 metrong lalim na bangin.
Lulan ng minalas na bus ang 48 katao kasama ang nasawing guro, si Olivia, at ang conductor.
Una nang sinabi sa panayam ni Police Major Larry Valencia, hepe ng Orani Police, na 26 sa mga pasahero ang isinugod sa ospital dahil sa tinamong mga sugat subalit isa ang nasawi.
Sa pahayag naman ng SDOQC, isinugod ng mga rumesponde ang mga biktima sa Orani District Hospital kung saan sila binigyan ng first aid at isinailalim sa CT scan, tatlo ay dinala sa Balanga Provincial Hospital para sa paglulunas habang 18 ay sa Provincial DRRM.
Dahil sa matinding sugat na natamo, pumanaw ang guro sa Orani District Hospital.
Ang iba pang sugatan ay dinala sa 1 Bataan Command Center, Medical Aid Facility at isinailalim sa stress debriefing ng Provincial Health Office, Provincial Social Welfare Office.
Agad ding nakipagkoordinasyon ang SDOQC sa Bataan local government unit para sa assistance ng mga guro.
Nitong Sabado ay pinakilos naman ng DepEd ang kanilang regional director for National Capital Region na si RD Willie Cabral para alamin ang pangyayari at unahin ang kondisyon ng mga nasugatang guro.
“Ang pinakamahalaga po ngayon ang kondisyon ng mga guro na sakay ng bus,” ayon kay DepEd Spokesman Atty. Michael Poa.