Nation

HISTORICAL REVISIONISM WEBINAR SA KONTROBERSIYA NG BATAS MILITAR

/ 21 September 2020

MAY 48 taon na ang nakalilipas nang ideklara ni yumaong Pangulong  Ferdinand Marcos ang Batas Militar sa Filipinas noong Setyembre 21, 1972.

Upang  matulungan ang mga mamamayang Filipino sa pagtitimbang ng mga datos patungkol sa kontrobersiya ng yugtong ito ng kasaysayan ay pinangunahan ng Gateway Gallery at ng J. Amado Araneta Foundation ang isang webinar na nagbigay-linaw sa konsepto ng saysay sa kasaysayan noong Setyembre 19.

Pinamagatang History & Revisionism: The Basics of History and the Challenge of Revisionism, tinalakay rito ang usapin ng pagbabago at pagmamanipula sa kasaysayan, ang paglaganap ng fake news, at ang mga paaran kung paano ba natin ito sasalain at mamatiyagan nang ang lipuna’y hindi maloko ng mga maling impormasyong nakakalat sa malawak na lawas ng world wide web.

Si Prop. John Ray Ramos ng History Department ng Ateneo de Manila University ang nagsilbing tagapagsalita sa naturang webinar at ayon sa kaniya, bagaman iisa lamang ang ‘past’, ito naman ay nasasadlak sa maraming ‘interpretasyon’.

Tinuturuan ang mga Filipino  ng kursong Kasaysayan na maging mapanuri at kritikal at na ugaliing magtiwala lamang sa mga sangguniang hindi mapasusubalian.

Dagdag niya, malaki ang gampanin ng pamahalaan sa usaping ng historical revisionism. Subalit sa pagkakataong sila rin ay biktima at/o nagmamanipula ng kasaysayan, responsibilidad ng mga mamamayan na pulisin ito, hamunin, at palagiang bantayan.

Ang webinar ay dinaluhan ng higit 7,000 manonood mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Para sa mga nais makasulyap, pindutin ninyo lamang ang link na ito para mapakinggan ang yaman ng talakayan: https://www.facebook.com/GatewayGalleryPH/videos/623259881723067.