Nation

DEPED: PAG-ALIS SA MOTHER TONGUE BILANG SUBJECT ‘DI PA PINAL

/ 19 October 2022

NILINAW ng Department of Education na hindi pa pinal ang pag-alis sa Mother Tongue bilang subject habang hinihintay ang pinal na curriculum para sa K to 10 program.

Ito ang naging pahayag ni DepEd Spokesperson Michael Poa makaraang sabihin ni Education Undersecretary Epimaco Densing III nitong Lunes na nakatakdang alisin ng kagawaran ang 50 minutong Mother Tongue subject para sa Grade 1 hanggang 3 para ma-decongest ang kasalukuyang curriculum.

“‘Yung pagtatanggal sa Mother Tongue, wala pa po namang final niyan,” ayon kay Poa.

Aniya, hindi pa tapos ang pagre-review sa curriculum kaya hindi pa pinal ang mga desisyon dito.

“Hindi pa po talaga tapos ang ating review. Once magkaron na tayo ng final na curriculum, doon po tayo maglalabas ng anunsyo kung ano ‘yung mangyayari sa mga programa, hindi lang sa Mother Tongue, pero pati na rin sa ating learning competencies,” paliwanag ni Poa.

Sinabi ni Densing noong Lunes na hindi na kailangan ng asignaturang Mother Tongue dahil ito ang pang-araw-araw na wika ng mga mag-aaral sa paaralan, sa komunidad, at sa loob ng pamilya.

Ang asignaturang Mother Tongue ay sa halip ay ibibigay sa national reading at national math program ng DepEd, dagdag niya.