FLOATING EDUCATION CENTER PARA SA ALS NAGLAYAG NA
SA TULONG ng lokal na pamahalaan ng Balabac, naglayag na ang unang Balsa Aralan ng Kagawaran ng Edukasyon para sa Alternative Learning System sa lalawigan ng Palawan.
Layunin ng programang ito na makapaghatid ng pag-asa at edukasyon, lalo na sa mga malalayong lugar, sa pamamagitan ng access sa digital learning para sa out-of-school youth at adults.
Inspiradong maipagpapatuloy ang naudlot na pangarap ng mga estudyante habang tumutulong sila sa kani-kanilang mga magulang at pamilya sa karagatan, sinimulan ng DepEd Palawan ang nasabing proyekto sa ilalim ng Project BALSA o ang Boosting Access Literacy Services through Alternative Learning System.
Tampok dito ang dalawang palapag na flat raft na may instructional na material at television sets para sa audio-visual presentations. Mayroon din itong palikuran na maaaring gamitin ng mga mag-aaral at ALS Teacher. Ang Balsa- Aralan ay dinisenyo upang tugunan ang pangangailangang pang-edukasyon. Ito ay may kapasidad na magsakay ng mula 30 hanggang 50 mag-aaral. Sa kasalukuyan ay may 40 mag-aaral ang nakatala sa ilalim ng programang Accreditation and Equivalency.
Sa pakikipag-ugnayan ni Palawan Schools Division Superintendent Roger Capa sa Department of Information and Communications Technology MIMAROPA Regional Office at DICT Palawan Provincial Office, ang balsa na ang dating laman ay TV, Solar System, black board, lamesa, at upuan ay nadagdagan pa ng tablets, laptops, at free wifi sa ilalim ng proyektong Tech4Ed.
“Ito ay makatutulong sa mga mag-aaral na naninirahan sa dagat kung saan nagmumula ang kanilang ikinabubuhay. Maaari na nilang ipagpatuloy ang kanilang naudlot na pangarap dahil sa programa at ng dahil sa intervention na ito, nagkaroon sila ng libreng komunikasyon at mga gadgets upang mas mapabilis ang mga gawain at makasabay sa kasalukuyang kalakaran sa pagkatuto, gayundin ang pag-access sa mga bagay at pangyayari sa daigdig,” ani Pedro J. Dandal, Jr. ng dibisyon ng Palawan at proponent ng nasabing proyekto.
Ibinahagi pa ni Palawan SDS Capa na “dahil impormal na sistema ng proyekto, bibisitahin ng mga guro sa ALS ang mga working students habang sila ay nagtatrabaho ayon sa kanilang iskedyul.”
Aniya, magsisilbing mahalagang hakbang ang sinimulan ng unang floating center sa dibisyon para maihatid ang pangalawang pagkakataon sa pangarap sa tulong ng digitalisasyon ng edukasyon.