F2F CLASSES BIGGEST ACCOMPLISHMENT NG DEPED
SINABI ng Department of Education na pinakamalaking accomplishment nito ang muling pagbubukas ng face-to-face classes sa bansa matapos ang mahigit dalawang taong distance learning dahil sa pandemya.
“Ang talagang pinakamalaking accomplishment ng Department of Education sa pamumuno ng ating Vice President and Secretary of Education is ‘yung pagbabalik ng learners sa school,” ayon kay DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa.
“Bakit po? Kasi for the past two years, talagang pong maraming hindi nakapag-aral sa ating mga kababayan. So talagang iyon ang pinakamalaking accomplishment natin for the first 100 days na naibalik natin siya,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ng direktor ng DepEd Public Affairs Service na sinubukan ng kanilang ahensiya na muling buksan ang in-person classes sa bansa nang ligtas sa pamamagitan ng mga hakbang tulad ng pagbibigay sa mga estudyante ng enrollment options, paglalabas ng guidelines para matiyak ang safety protocols, at iba pa.
Nagpatupad ang mga eskwelahan ng distance learning dahil sa pandemya kung saan ang kalusugan at kaligtasan ng mga miyembro ng faculty, kawani, at mga mag-aaral ang naging pangunahing konsiderasyon.
Ang unti-unting pagbubukas ng face-to-face classes ay nagsimula noong Agosto 22, ang pagsisimula ng School Year 2022-2023.
Ang full face-to-face classes ay inaasahang magsisimula sa Nobyembre 2.