UP KINUWESTIYON SA ‘DI PAGBABALIK SA F2F CLASSES
KINUWESTIYON ni Senadora Pia Cayetano ang limang state universities and colleges, kasama na ang University of the Philippines, sa hindi pa rin pagpapatupad ng in-person classes.
Partikular na kinuwestiyon ni Cayetano ang UP sa pagsasagawa pa rin ng blended learning sa mga campus nito, kabilang na sa Diliman sa Quezon City.
Bilang tugon, ipinaliwanag naman ni UP President Danilo Concepcion na ito ay pagsunod lamang nila sa regulasyon ng local government na kinontra naman ni Cayetano matapos niyang makausap na rin si Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Sinabi ni Cayetano na nakausap niya si Belmonte sa pamamagitan ng text message at iginiit na hindi totoo ang dahilan ni Concepcion.
“I don’t know about the text of Joy Belmonte. It is true that ‘di naman nila ipinagbabawal ang face-to-face. Pero sa aking pagkakaalam, ‘di pa nila nili-lift ang physical distancing doon sa loob ng kuwarto. So I have to call her and ask her kung ni-lift na ba nila ang physical distancing sa loob ng classroom,” sagot naman ni Concepcion.
Binigyang-diin din ni Concepcion na makikipagpulong ito sa iba pang unibersidad para talakayin ang posibleng paradigm shift sa teaching set-up.
Bagama’t bukas sa mga pagbabago sa pag-aaral, iginiit ni Cayetano sa UP ang pagsasagawa ng face-to-face classes upang matiyak ang kanilang pondo para sa susunod na taon.
“You want budget? Show me you’re making an effort to do the most basic — allow the students to have face-to-face classes. Show me you are making that effort. Because otherwise, I’ll focus my efforts where it is most appreciated,” diin ni Cayetano.
“I am very open to changes and innovations in the way we teach, in the way we educate, but we should not make COVID the reason, which is still the excuse being given when I see this 75 percent capacity or 50 percent capacity classroom limitation,” dagdag ng senadora.
Bukod sa UP, kasama sa nakatakda pa lamang magbalik sa face-to-face classes ang Cagayan State University, Northern Iloilo State University, South Cotabato State College, at Mindanao State University.