PAPEL KAPALIT NG KARNE: BARTER SA NORTH COTABATO PARA SA MODULE PRINTING
DAHIL sa pandemya, napilitan ang Department of Education na mag-isip ng panibagong iskema ng pagtuturo sa mga estudyanteng Filipino. Kung kaya ngayong darating na akademikong taon, distance-modular learning muna ang uutilisahing modalidad ng mga paaralan sa buong Filipinas para maipagpatuloy ang bahaginan ng kaalaman nang hindi naaapektuhan ang kalusugan.
Subalit dahil sa maraming learning competencies ang kailangang matutunan ng mga mag-aaral sa bawat sabjek, inaasahan ding maraming modules ang ipi-print para saklawin ang naturan. At kapag maraming modules, marami ring papel ang gagamitin.
Para mapanatili ang suplay ng bond paper sa mga pampublikong paaralan, inilunsad ni North Cotabato Board Member Rosalie Cabaya ang isang barter system na bukas sa mga residente ng bayan ng Aleosan.
Ang sinumang indibidwal na magbibigay ng isang ream ng bond paper ay makatatanggap ng 1.25 kilo ng karne ng baboy, sariwa mula sa livestock farm ni Cabaya.
Ayon kay Cabaya, sa ganitong paraa’y mahihikayat niya ang mga may mabubuting puso na mag-donate pa ng mas marami, alang-alang sa kinabukasan ng mga mag-aaral.
Sa isang panayam sinabi ni Cabaya na kailangan ng mga guro ng tulong sa module printing kaya sinubukan niyang tugunan ito sa abot ng kaniyang makakaya, lalo pa’t hindi kaya ng budget ng lalawigan na saklawin ang kabuuang badget para makapaghatid ng module para sa lahat.
“Teachers in public schools sought help, especially on the production of the modules to be used by the learners,” wika niya.
Nasa 85 reams ng bond paper ang nalikom na ng mga tauhan ni Cabaya, katumbas ng 106.25 kilo ng baboy. Ang lahat ng ito’y makatutulong sa 15 paaralan sa Aleosan.
Kasalukuyang nag-iisip ng iba pang taktikang pambarter ang pamahalaang panlalawigan ng North Cotabato upang matulungan pa ang sektor ng edukasyon.