P30-B COMPUTERIZATION BUDGET MULA 2016-2019, NASAAN ANG MGA COMPUTER? USISA NG LAWMAKERS
KINUWESTIYON ng ilang mambabatas ang computerization program ng Department of Education sa gitna na rin ng tila paghahabol ng ahensiya sa mga pangangailangan para sa pagsasagawa ng online classes.
Kapwa hinahanap nina House Deputy Majority Leader Bernadeth Herrera at Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta ang pondo taon-taon ng DepEd para sa kanilang computerization program.
Sinabi ng dalawang mambabatas na noong 2016 ay may pondo ang DepEd na P4.85 bilyon para sa programa; P6.62 bilyon noong 2017; P8.647 bilyon noong 2018; P4.38 bilyon noong 2019 at P8.99 bilyon ngayong taon.
“Nasaan na ang mga computer na iyan na binili ng DepEd gamit ang pera ng taumbayan? Nagastos ba nang wasto ang ibinudget na pera para sa DepEd Computerization Program mula 2016 hanggang 2020?,” pahayag ni Herrera.
“Every year mayroon tayong procurement ng napakaraming laptop. May computerization program para sa DepEd, nasaan na ang napakaraming personal computers?” tanong naman ni Marcoleta.
Iginiit ni Herrera na dapat sa ngayon ay iniisyu ang mga computer sa mga guro at estudyante sa halip na nakatengga sa mga paaralan, kung mayroon man.
Kasabay nito, inatasan ng mambabatas ang DepEd na isumite sa kanila ang ulat hinggil sa mga ninakaw na computers mula sa kanila makaraang mabuking ang mga online seller na nagbebenta ng mga computer na may tatak ng ahensiya.