SPED PROGRAM NG DEPED HAHANAPAN NG PONDO
NANGAKO si Pasig City Rep. Roman Romulo na hahanapan nila ng pondo ang special education program makaraang hindi ito bigyan ng alokasyon sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program.
Ayon kay Romulo, Chairman ng House Basic Education and Culture Committee, hangad ng mga mambabatas na tiyakin ang tuloy-tuloy na pagkatuto sa mga batang may special needs.
Tiwala si Romulo na makahahanap sila ng mapagkukunan ng pondo para sa programa na matagal na ring kasama sa mga proyekto ng Department of Education.
Sa ilalim ng 2023 budget, nagpanukala ang DedpEd ng P560 million budget para sa SPED subalit hindi ito pinondohan ng Department of Budgat and Management.
“Dito naman sa parteng SPED masisigurado ko naman po dahil napakaraming mambabatas po ang gusto nila ay inclusive education, gusto nila ‘no child left behind, no student left behind,’ kaya sisiguraduhin po natin makahanap ng pondo para itong SPED classes natin ay mapagpatuloy,” pahayag ni Romulo.
Una nang sinabi ng DBM na hindi nila pinondohan ang SPED dahil na rin sa kabiguan ng Deped na magsumite ng mga dokumentasyon para sa kanilang hinihinging pondo.
Sinabi pa ng DBM na ang obligation rate ng SPED program ay nasa 1.13% lamang o katumbas ng P6.35M mula sa P560.202M na pondo ng programa.