HEALTH AND SAFETY PROTOCOLS SA ISKUL IMPOSIBLENG MAIPATUPAD —TDC
IMPOSIBLENG maipatupad ang health and safery protocols dahil na rin sa malalang congestion sa mga pampublikong paaralan, ayon sa pagtaya ng Teachers’ Dignity Coalition sa naging sitwasyon ng mga paaralan sa unang linggo ng klase.
Ayon sa grupo, hindi kakayanin kahit ang simpleng physical distancing lamang dahil na rin sa dami ng mga bata sa silid-aralan, taliwas sa maayos na implementasyon ng limited face-to-face classes mula noong Nobyembre 2021 hanggang Hunyo 2022.
“Napakhirap ng sitwasyon ng marami sa ating mga paaralan dahil sa kakulangan sa classrooms at mga guro na siyang dahilan kung bakit nagsisiksikan sa klase ang mga bata,” pahayag ni Benjo Basas, tagapangulo ng nasabing grupo.
Ayon kay Basas, maraming ulat sa kanila hinggil sa kakulangan sa mga classroom dahilan upang gumawa ng paaran ang mga principal at guro. May mga paaralan aniyang gumamit na ng covered court, laboratory at corridor bilang classroom at mayroon ding hinati na sa gitna ang mga silid, samantalang ang iba ay nagpatupad na ng dalawa o tatlong shifts para lamang mapagkasya ang kani-kanilang enrollees.
“Mayroon namang mga paaralan na sapat ang classroom pero kulang naman sa mga guro kaya hindi pa rin mababawasan ang bilang ng mag-aaral sa bawat klase, siksikan pa rin. Kapag nagbuo kasi tayo ng isang section ay mangangailangan tayo ng isang set ng mga guro, lalo na sa intermediate at sa high school,” paliwanag ni Basas.
Dahil sa ganitong kalagayan ay hindi, aniya, maipatutupatad ang minimum health protocols lalo na ang physical distancing.
“Mahirap magkaroon ng espasyo sa pagitan ng mga mag-aaral kung nasa 40 ang nagsisiksikan sa isang klase, paano pa kaya kung 50, 60 o 70? Hindi maaaring tumanggi sa mga nagpapa-enrol ang mga paaralan dahil dapat ay walang batang maiiwan at wala ring itinakdang limit ang class size,” dagdag pa ni Basas.
Iminungkahi ng grupo ang agarang deployment ng mga aplikanteng guro para sa taong ito at ang karagdagan pang pagtatalaga ng mga guro sa Enero upang makaagapay sa kakulangan sa mga magtuturo.
Samantala, dahil matagal na proseso ang pagtatayo ng classroom ay nanawagan ang grupo sa pamunuan ng DepEd na konsultahin ang mga guro at punong-guro sa kung anong mga epektibong paraan ang maaaring gawin.
“Dumaan tayo sa pilot implementation at limited face-to-face classes, subalit dahil napakaliit na bilang lamang ng mga mag-aaral ang kalahok ay hindi nakita ang mga ganitong problema. Naniniwala kami na ang mga guro natin sa field ay may malawak na karanasan at maraming ideya na maaaring makatulong sa DepEd, kailangan lamang ay tanungin o kausapin sila bago magbaba ng anumang polisiya,” pagtatapos ni Basas.
Ayon pa sa grupo, hindi pa rin kakayaning maipatupad ang full face-to-face classes sa lahat ng mga paaralan sa bansa sa Nobyembre alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos.