Letters of Youth

TUNAY NA PILIPINO

/ 29 August 2022

Ang Pilipinong tunay
Sa pagbuka ng liwayway
Kapiling na ang kalabaw
Para mag-araro sa araw-araw

Pagtilaok ng tandang
Kasama na ang bangkang nasa pampang
Upang mangisda sa dagat
Haharapin ang alon at di paaawat

Kwentong Juan Tamad ay di dapat tularan
Sa labis na katamaran
Aantayin malaglag sa kanyang bibig
Ang bayabas niyang ibig

Nakakapanlumo ang kuwentong ito
Hindi ito ang larawan ng mga Pilipino
Ang Pilipino ay masipag at matiyaga
Malasakit sa kapwa, di nawawala

Ang tunay na Pilipino
Kayang magsilbi kahit mapalayo
Para sa kalinangan at pag-unlad
Sadyang walang katulad

Kulay kayumanggi, lahing kayumanggi
Iyan ang kulay, hindi itim o puti
Ilong man ay pango
Taas noo kahit kanino

Ipinagmamalaki ko na ako’y Pilipino
Puso’t isipan ko’ y makapilipinong totoo
Sa muling pag-angat at pagbangon
Buong Pilipinas at mga Pilipino ay aahon