DEPED AT DBM NAGTUTURUAN SA OVERPRICED AT OUTDATED LAPTOPS
PINUNA ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pagtuturuan ng Department of Education at Procurement Service-Department of Budget Management sa kontrobersiyal na outdated at overpriced laptops para sa mga guro.
Sinabi ni Zubiri na kapwa may pananagutan ang dalawang ahensiya sa procurement na dapat nilang panagutan.
“Nagtuturuan sila. Sabi nila ang may kasalanan PS-DBM. Kasalanan din ng DepEd. Bakit sila pumayag na doon ipa-bidding at least alam nila standard. Nakakapagtaka bakit naman sila pumayag,” ani Zubiri.
Kasabay nito, sinabi ni Zubiri na dapat mabusisi ng Senate Blue Ribbon Committee ang iregularidad at matigil na rin ang sistema ng pagpapasa ng procurement ng isang ahensiya sa PS-DBM.
Pabor din si Senador Sherwin Gatchalian na matigil na ang sistema ng PS-DBM na matagal na niyang ipinananawagang buwagin.
“Well, unang-una, nakakalungkot dahil ang dehado dito ay ang ating mga guro. At itong mga laptops na ito ay talagang binili para sa kanila, para magamit nila ng husto itong mga laptops,” diin ni Gatchalian.
“Napansin ko kasi, nawawala ang accountability o ang pananagot dahil madaling ipasa sa iba. Sabihin ‘ah wala akong kinalaman diyan dahil binili ‘yan ng ibang ahensya. Nawala yung accountability o pananagutan,” dagdag pa niya.