Nation

REPORMA SA PAGBUBUWIS PANAWAGAN NG MGA GURO

/ 1 August 2022

NANAWAGAN ang Teachers’ Dignity Coalition sa pamahalaan na buwisan ang mayayaman at bilyonaryo at habulin ang mga tumatakas sa obligasyon sa estado.

Ginawa ng TDC ang panawagan kasunod ng pag-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa isang batas na nagbibigay ng tax exemption sa honoraria ng mga gurong nagsisilbi bilang poll workers tuwing may halalan.

“Tayong mga manggagawa at empleyado ay walang ligtas sa buwis sa iba’t ibang anyo nito,” wika ni Benjo Basas, tagapangulo ng grupo.

Ayon kay Basas, nakalulungkot isipin na maging ang baryang kita ng mga guro sa election duty ay pinagdidiskitahan pa ng gobyerno.

“Ang ating panawagan, bago magsara ang 18th Congress ay puspusang inilaban ng iba’t ibang grupo ng mga guro ang tax exemption sa election duty honoraria. Sinuportahan ito hindi lamang ng mga guro, kundi maging ng mga mamamahayag, mga lokal na opisyal, mga taumbayan at maging ng Comelec,” ani Basas.

Ayon kay Basas, nakita ng mga mambabatas ang hirap na sinusuong ng mga guro sa panahon ng halalan at ang kahalagahan ng kanilang tungkulin upang matiyak na malinis, tapat at maayos itong maisasagawa.

“Dahil dito ay mabilis na kumilos ang mga mambabatas at naipasa ang panukala bago matapos ang sesyon ng Kongreso. Subalit sa araw na ito, nagulat tayo sapagkat hindi lagda kundi veto ang ginawa ni Pangulong Marcos sa panukala,” ani Basas.

“Ibig sabihin, hindi niya inaprubahan ang makatuwiran at makatarungang batas na kumikilala sana sa sakripisyo ng mga guro sa panahon ng halalan,” dagdag pa nya.

Kaya naman hindi maiaalis, aniya, sa mga guro ang malungkot at madismaya sa ginawang pag-veto ng Pangulo sa nasabing batas.

“Mahaba ang pinagdaanang balakid bago ito naipasa sa Senado at sa Kamara. Subalit dahil sa malawak na suporta ng iba’t ibang sektor at aktibong pakikilahok ng mga guro, naprubahan ito ng Kongreso. Ngunit sa huli ay mababalewala lamang pala at hindi kakatigan ng punong ehekutibo,” ani Basas.