Nation

MGA GURO DISMAYADO SA PAG-VETO SA TAX EXEMPTION SA POLL WORKERS

/ 31 July 2022

NADISMAYA ang Teachers’ Dignity Coalition sa pag-veto ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa isang batas na nagbibigay ng tax exemption sa honorarium ng mga gurong nagsisilbi bilang poll workers tuwing may halalan.

Ayon kay Benjo Basas, tagapangulo ng grupo, ikinagulat nila ang desisyong ito ng Pangulo.

“Sayang eh, pirma na lamang niya ang kailangan, wala nang effort ang bagong pamunuan ng Kongreso maging ang administrasyon,” wika ni Basas.

Ayon kay Basas, hindi na dapat pinapatawan ng buwis ang honoraria ng mga gurong nagsisilbi sa eleksiyon kung saan minsan ay nalalagay sa peligro ang kanilang buhay.

“Napakaliit lamang ng revenue loss ng gobyerno dito kung sakali at napalalaking tulong naman sana sa ating mga guro na kamakailan lamang ay pinupuri at pinararangalan ng mga pulitiko matapos ang paggampan nila sa halalan,” ani Basas.

Kamakailan lang ay pinuri at pinasalamatan ng Pangulo ang pagsasakripisyo at kabayanihan ng mga gurong nagsilbi sa nakaraang halalan