Nation

28M ENROLLEES INAASAHAN SA SY 2022-2023

/ 28 July 2022

MAHIGIT 28 milyong  mag-aaral ang inaasahang mag-e-enroll sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa elementarya at hayskul ngayong darating na school year.

Ayon kay Michael Poa, tagapagsalita ng Department of Education, maganda ang naging turnout sa unang araw ng enrollment nitong Lunes, Hulyo 25, kung saan nasa 3.3 milyong mga mag-aaral ang nag-enroll.

“It is a far cry doon sa naitala natin last year, which is a little bit over 222,000 enrollees,” wika ni Poa sa isang press conference Myerkules ng umaga.

Ayon sa pinakahuling tala ng DepEd, nasa 5.6 million learners na ang nakapag-enroll.

“Sana po magtuloy-tuloy ito, makamit natin ‘yung assumption natin of 28.6 million learners for this upcoming school year,” ani Poa.

Sinabi rin ni Poa na tuloy-tuloy na nakikipag-ugnayan ang kagawaran sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at sa mga lokal na pamahalaan para siguraduhin na maayos at ligtas ang pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral sa Agosto 22.

Maaari aniyang mag-enroll ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng in-person, remote enrollment at enrollment via drop boxes.

Inanunsiyo rin ng DepEd na magsisimula na sa susunod na linggo ang taunang “Brigada Eskwela” school cleanup program na layong ihanda ang mga eskwelahan para sa paparating na pasukan.

“Siyempre po nandun na tayo sa enrollment, kailangan natin paghandaan ang pagbabalik eskwela, so kailangan handa po ‘yung mga schools,” ani Poa.

“That’s why on August 1 ila-launch po natin ‘yung ating Brigada Eskwela for this year,” dagdag pa ng tagapagsalita.

Hinihikayat din niya  ang  pribadong sektor na makiisa sa gaganaping Brigada Eskwela.

“Inaanyayahan po namin na mag-participate ang mga private sector organizations na tulungan po kami dito sa paghahanda sa ating mga paaralan,” ani Poa.