2 GURO PATAY SA DIARRHEA OUTBREAK SA DAVAO CITY
DALAWANG guro at isang batang lalaki ang nasawi sa diarrhea outbreak sa Toril, Davao City.
Sa ulat ng City Health Office, pinakahuling nasawi ang 32-anyos na gurong lalaki mula sa Barangay Lubugan dahil sa matinding dehydration.
Naunang pumanaw ang isang 67-anyos na babaeng guro at isang 10-anyos na batang lalaki nitong Hulyo 19.
Idineklara ang diarrhea outbreak sa 12 barangay, ayon kay City health office head Dr. Ashley Lopez.
Ang mga barangay ay ang Baracatan, Bago Aplaya, Camansi, Lubogan, Toril Poblacion, Daliao, Bato, Lizada, Mulig, Tungkalan, Binugao at Crossing Bayabas.
Bukod sa nabanggit na mga barangay, apektado rin ang Barangays Alambre, Bangkas Heights, Daliaon Plantation, Eden, Sirawan, Marapangi at Baliok.
Umabot na sa 218 ang kabuuang kaso ng diarrhea sa mga apektadong lugar.
Itinayo na rin ang incident command center sa Magsaysay Elementary School para asistehan ang mga residente sa lugar na dumaranas ng sintomas ng diarrhea at iba pang sakit.