DEPED TATALIMA SA IATF GUIDELINES SA F2F CLASSES
SUSUNDIN ng Department of Education ang panuntuan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease habang ipinatutupad ang face-to-face classes.
Ito ang tiniyak ni Education Usec. Epimaco Densing III lalo na’t kung sa kasagsagan ng School Year 2022-2023 ay magkaroon ng estudyante, guro at school personnel na tinamaan ng Covid19.
Aniya, may pasilidad ang DepEd para sa mga magkakaroon ng nasabing sakit habang susundin ang panuntuan ng IATF-MEID.
Kung ang mag-aaral ang magkaroon ng Covid19 na asymptomatic naman, patuloy siyang mag-aaral habang on isolation subalit ang severe cases o nasa ospital lamang na pasyente ang maaaring lumiban sa klase.
“Mayroon namang isolation facilities in case na mangyari ito (magpositibo sa Covid) tapos ang estudyante na magiging positive tuloy-tuloy pa rin ang ugnayan sa klase pero kung naospital doon lamang siya papayagang mag-absent,” ayon pa kay Densing.
Magugunitang nitong Huwebes, Hulyo 14, ay tiniyak ni Vice President at Education Sec. Sara Duterte-Carpio na tuloy na tuloy ang pagbubukas ng klase sa Agosto 22.