PAGREPASO SA K TO 12 PROGRAM SUPORTADO NG SOLON
PABOR si Pasig City Representative Roman Romulo na rebyuhin at rebisahin ang kurikulum ng Kindergarten to Grade 12 o K to 12 program.
Ayon sa mambabatas, hindi dapat bigyan ng kulay ang pagrerebyu sa K to 12 curriculum dahil kinabukasan ng mga batang Pilipino ang nakasalalay rito.
“Sa totoo lang, panahon na talaga para irebyu ang buong education curriculum natin,” wika ni Romulo sa panayam ng Brabo News Network.
“Kahit papaano nakailang taon na rin na-implement ang K to 12 program, nakita natin kung talagang nakatutulong ba, at kung kailangan ba nating i-revise ‘yung mga curriculum niys,” dagdag pa ng mambabatas.
Isa sa dapat tingnan kung natututo bang bumasa at kung naiintindihan ba ang kanilang binabasa ng mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang 3 sa ilalim ng K to 12 curriculum, ani Romulo.
“Nakikita po natin Grade 1 to 3 kailangan natin i-improve ‘yung reading comprehension nila. So, kailangan siguraduhin po natin marunong magbasa at naiintindihan nila ‘yung binabasa nila.‘Yung mga ganong bagay po,” sabi pa niya.
“Dapat po sa edukasyon lahat tayo magtulungan talaga,” dagdag pa ng mambabatas.
Kamakailan ay sinabi nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Bise-Presidente at Department of Education Secretary Sara Duterte na plano nilang iparepaso ang nasabing kurikulum.