Nation

PAGBUBUKAS NG KLASE PINAUURONG SA SETYEMBRE

HINILING ng Teachers' Dignity Coalition sa Department of Education na iurong sa kalagitnaan ng Setyembre o unang linggo ng Oktubre ang pagbubukas ng klase para sa susunod na school year.

/ 9 July 2022

HINILING ng Teachers’ Dignity Coalition sa Department of Education na iurong sa kalagitnaan ng Setyembre o unang linggo ng Oktubre ang pagbubukas ng klase para sa susunod na school year.

Ayon sa TDC, ito ay upang bigyan ng sapat na pahinga ang mga guro na naaayon lamang sa mga umiiral na polisiya.

“Mula’t simula ay entitled naman talaga ang mga guro sa dalawang buwang bakasyon, ito’y upang bigyan kami ng sapat na pahinga, physically, emotionally and mentally. Wala pong sick at vacation leave ang mga guro na gaya ng ibang mga empleyado kaya ito ang ibinibigay sa amin,” pahayag ni Benjo Basas, national chairman ng nasabing grupo.

Batay sa mga pahayag ng nakalipas na pamunuan ng DepEd ay sa Agosto 22 na magsisimula ang School Year 2022-2023. Gayunman, wala pang inilabas na memorndum at school calendar para rito kaya inaasahang ito’y pagdedesisyunan na ng bagong kalihim.

“Hanggang ngayon ay hindi pa tapos ang mga gawain sa paaralan, mayroon pang mga graduation at completion ceremonies, may reading of forms at paghahanda ng mga dokumento para sa performance rating. Sa mga susunod na linggo hanggang Agosto ay sasabak naman sa iba pang trabaho ang mga guro gaya ng in-sevice trainings, brigada eskuwela, balik-eskwela at enrolment activities at ang notorious na end of school year classes kung saan inaasahan pang magsagawa ng remedial at enrichment classes ang mga guro sa loob ng tatlong linggo,” dagdag pa ni Basas.

Sa suma total, kahit pa nga, aniya, iurong sa Setyembre ang klase ay malaking bahagi pa rin ng dapat sana’y bakasyon ang gugugulin ng mga guro sa iba’t ibang gawain.

Kamakalawa ay nagpahayag ang Pangulong Marcos na magsisimula ang face-to-face classes sa Setyembre at inaasahang nasa 100 percent na ito pagpasok ng Nobyembre. Gayunman, wala pang pinal na anunsiyo mula kay Education Secretary at VP Sara Duterte-Carpio o sa Malacanang kung anong petsa ang muling pagbubukas ng klase.

“Inaasahan naming maikokonsidera ng Pangulo na palawigin pa ang school break upang ganap na mabigyan ng pagkakataong makapagpahinga ang mga guro at magkaroon din ng mas mahabang oras sa paghahanda sa mga paaralan, lalo pa’t babalik na tayo sa face-to-face classes,” pagtatapos ni Basas.

Ayon sa panuntunan ay binibigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na magtalaga ng petsa ng pagbubukas ng klase batay sa rekomendasyon ng DepEd secretary. Noong nakaraang taon ay Setyembre 13 nagbukas ang klase at nagtapos ng Hunyo 24 nitong taon bagamat lumawig pa hanggang kalahati ng buwan ng Hulyo ang pasok ng mga guro sa ibang mga dibisyon at paaralan.