43,000 TEACHERS KAILANGAN NG DEPED
MAY oportunidad na naghihintay sa mga titser mula sa private education institutions na nawalan ng trabaho dahil sa mababang enrollment.
Ito ang iginiit ni Senador Win Gatchalian makaraang matuklasan na nasa 43,000 guro ang kailangang punan ng Department of Education sa kanilang plantilla positions.
“Tiningnan din namin ‘yung hiring ng DepEd at lumalabas na mayroon pang 43,000 na mga available positions for teachers natin, marami pa medyo nagulat din ako,” pahayag ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Educations, Culture and Arts.
“Hinihikayat natin ang ating mga teacher and non-teaching staff na mag-apply sa DepEd. Medyo mahigpit ang qualification ng DepEd dahil dapat LET passer ka, dapat nakapasa ka ng board pero ganoon pa man, doon sa mga teacher natin na nawalan ng trabaho, ito ay isang magandang oportunidad,” dagdag pa ng senador.
Sa impormasyon ng mambabatas, nasa 3,200 ang displaced private school teachers dahil sa Covid19 pandemic na kung kuwalipikado ay maaaring i-absorb ng DepEd.
“Kung sila ay qualified, lalo na kung maganda ‘yung kanilang experience, puwede sila kaagad ma-absorb. Ang public school system natin palaki nang palaki even sa ganitong pandemya, almost 95% ang enrollment natin sa public schools natin, ibig sabihin nangangailangan pa tayo ng mga guro,” paliwanag ni Gatchalian.
Sinabi ng mambabatas na karamihan sa mga bakanteng posisyon ay mula sa National Capital Region at iba pang highly urbanized areas tulad ng Cebu at Davao.
“Ito ‘yung mga malalaking siyudad, center of gravity, pumupunta talaga riyan ang mga tao kaya may available na trabaho para sa ating mga teacher,” dagdag pa ni Gatchalian.