SOLON: SWIMMING AT SURVIVAL LESSONS GAWING MANDATORY SUBJECT SA K-12
ISINUSULONG sa Kamara ang panukala na maisama sa curriculum ng basic education ang swimming, survival lessons at water safety.
Inihain nina Marino Partylist Rep. Macnell Lusotan at Cagayan de Oro City 1st District Rep. Rolando Uy ang House Bill 6574 o ang proposed Mandatory Children Swimming and Survival Lessons and Water Safety Act.
Sa paghahain ng panukala, iginiit nina Lusotan at Uy na sa dami ng kalamidad sa bansa, kailangang mabigyan ng kaalaman ang kabataan kung paano makaliligtas sa mga aksidente sa tubig.
Ipinaalala ng mga mambabatas na sa pananalasa ng bagyong Yolanda noong 2013, anim na milyong kabataan ang naapektuhan na ang marami ay na-trauma at ang ilan ay namatay.
“To date, the Philippines remains highly susceptible to natural hazards, including typhoons, storm surges and flasfloods and more than 35 million children remain exposed to these natural hazards increasing the risk of losing their lives,” pahayag ng mga kongresista sa kanilang explanatory note.
Batay sa datos, mula 2006 hanggang 2013, umaabot sa 3,276 ang insidente ng pagkalunod sa Filipinas.
Alinsunod sa panukala, gagawing mandatory subject ang water safety at swimming at survival lessons sa K to 12 curriculum sa lahat ng pribado at pampublikong paaralan.
Mandato na rin ng Department of Education ang pagtukoy kung gaano kahaba ang subject na ito at kung saang grade level dapat maipasok.