DEPED PINABUBUO NG PROGRAMA PARA SA ‘TEACHERS TO THE BARRIO’
UPANG matiyak na may sapat na mga guro sa mga liblib na lugar, isinusulong ng isang kongresista ang pagbuo ng programa para sa ‘teachers to the barrios’.
Sa kanyang House Bill 6417 o ang proposed Teachers to the Barrios Act, iginiit ni Eastern Samar Rep. Maria Fe Abunda na malaking hamon sa bansa ang accessibility sa iba’t ibang serbisyo lalo sa mga rural region.
“We are replete with stories of school-aged children crossing mountains and rivers just to reach school. On the other hand, we are full with stories of teachers who travel to barrios so the children do not have to,” pahayag ni Abunda sa kanyang explanatory note.
Binigyang-diin ni Abunda na kung ang mga titser ang magtutungo sa mga liblib na lugar, sariling gastos nila ang pamasahe at iba pang gastusin.
Alinsunod sa panukala, magkakaroon na ng malinaw na programa para sa mga guro na itatalaga sa mga baryo, mga liblib na lugar at mga lugar na mahirap puntahan.
Ang programa ay posibleng sa pamamagitan ng module o isang sistema na katulad sa formal basic education subalit gagawin sa pamamagitan ng study sessions sa public community hall o isang private hall.
Mandato rin ng DepEd na bumuo ng teaching force na maaaring i-deploy anumang oras sa mga liblib na lugar.
Ang ‘teacher to the barrios’ ay pagkakalooban ng basic salary na hindi bababa sa sahod ng entry level public school teacher at tatanggap din ng representation allowance, transportation allowance, hazard pay, social benefits at may opsyong makapag-avail ng scholarship benefits sa postgraduate studies.