DOKTOR PARA SA BAYAN BILL APRUB NA SA SENADO
LUSOT na sa Senado ang Doktor para sa Bayan bill o ang panukalang magbibigay ng scholarship sa mga nagnanais kumuha ng kursong medisina.
Sa botong 22-0, inaprubahan ng mga senador ang Senate Bill 1520 na naglalayong punan ang kakulangan sa mga doktor sa bansa.
Sa kanyang manifestation, sinabi ng sponsor ng panukala na si Senador Joel Villanueva na napapanahon ang pagpasa ng panukala makaraang mapagtanto sa Covid19 pandemic ang labis na kakulangan ng mga doktor.
“We are at war and the doctors are the combatants. Just as we train soldiers in peace time, so must we train more in times of war. So, let it be now, with doctors and physicians,” pahayag ni Villanueva.
“Unfortunately, we only have 9 public medical schools in the country while medical education remains the most expensive course in the Philippines. Ngayon po, kahit sinong Filipino, anuman ang antas sa buhay, kaya nang tuparin ang pangarap na maging doktor,” dagdag pa ng senador.
Sinabi naman ng pangunahing may akda ng panukala na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na malaking oportunidad ang panukala para sa mga kwalipikadong estudyante subalit walang pinansiyal na kakayahan.
“Mula’t mula ay nanindigan akong hindi balakid ang kahirapan o kawalan ng sapat na pera para maabot ng ating mga kabataan ang kanilang mga pangarap. I had this clearly in mind when I filed Senate Bill No. 1, or the proposed Medical Scholarship bill, last year,” pahayag ni Sotto.
“Naniniwala akong magaling ang mga Filipino sa larangan ng medisina. Kaya nating mag-produce ng mga world-class doctor na maipagmamalaki ng ating bansa. Ang pagsasabatas ng Doktor para sa Bayan Act ang unang hakbang para patuloy na maging matagumpay at mamayagpag ang ating mga kabataang nais na maging mga doktor,” dagdag pa ng senador.
Noong Agosto ay inaprubahan na rin sa Kamara ang counterpart ng panukala at inaasahang paplantsahin ng dalawang Kapulungan ang magkakaiba nilang probisyon sa bicameral conference committee meeting bago isumite para sa lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte.