MGA PANITIKERO PINARANGALAN NG KWF
KINILALA ng Komisyon sa Wikang Filipino ang mga panitikero na nagwagi sa patimpalak sa iba’t ibang uri ng panitikan.
Pinarangalan ng KWF ang mga nanalo sa Tumula Tayo 2022, Dula Tayo 2022, Talaang Ginto: Makata ng Taon 2022, at Gawad Dangal ng Panitikan 2022.
Sinabi ni KWF Commissioner Dr. Arthur Cassanova na ang pagdaraos ng nasabing mga kompetisyon ang bumubuhay sa panitikan at nagpapasigla sa mga panitikero.
“Ang mga timpalak na ito ay tunay na nagpapasigla sa ating mga panitikero, partikular na ang mga makata at mandudula,” ayon kay Cassanova.
Naniniwala ang mga nagwagi na ang mga patimpalak na ito ang magbibigay boses at lakas sa mga katutubong Pilipino na ipaglaban ang kanilang karapatan at maiwasan ang diskriminasyon laban sa kanila.
“Sa pamamagitan ng patimpalak na ito ay mabibigyan sila ng lakas na lumaban, mabibigyan sila ng lakas na ipaglaban nila ang kanilang karapatan. Hindi po dapat nasusulat lamang ang kanilang mga karapatan, dapat ito ay isinasabuhay, isinasaip,” pahayag ni Cristy Mae Cureg, nagwagi ng ikatlong gantimpala sa Dula Tayo 2022: Pagsulat ng dramatikong monologo.
Para naman kay Joanah Pauline Macatangay, nagwagi ng ika-limang gantimpala sa parehong kategorya, na magdudulot ito ng maganda sa mga katutubong Pilipino.
“Higit pa sa karangalang matatanggap namin sa araw na ito ay ang layunin na hindi lamang basta mulat kung hindi ang makisangkot sa ating ikabubuti, ikauunlad at ikararangal nito,” pahayag ni Macatangay.
Samantala, sinabi ni Analie Palacio, nagwagi ng unang gantimpala sa Tumula Tayo 2022: Pagsulat ng Katutubong Tula, sa kanyang akdang “Sa Paghahanap ko ng Kayamanan,” na dapat ipagpatuloy ng KWF ang mga ganitong patimpalak upang manatiling buhay ang kultura.
“Ang ganitong malikhaing kampanya patungkol sa mga katutubo ay kapuri-puri,” dagdag pa niya.
Layon naman ni Benjo Lontoc, na nagwagi ng unang gantimpala sa Pagsulat ng Tula 2022 (Diyona) na ipagpatuloy ang mga nasimulan ng katutubo pagdating sa pagsulat.
“Layunin ko po kaya ako sumusulat ng tula ay upang ipagpatuloy po ang tradisyunal na tula, ‘yung mga nasimulan ng ating mga katutubo,” ani Lontoc.
Mga nagwagi:
Tumula Tayo 2022 (Diyona)
Unang gantimpala – Benjo Batikin Lontoc sa akdang “Baybayin”
Ikalawang gantimpala – Vernard Dechosa sa akdang “Pagsasaka”
Ikatlong gantimpala – Charlyn Buates sa akdang “Babaylan sa Bagong Milenyo”
(Dalit)
Unang gantimpala – Analie Palacio sa akdang “Sa Paghahanap ko ng Kayamanan”
Ikalawang gantimpala – Roger Endaya sa akdang “Ang huling mambabatok”
Ikatlong gantimpala – Mark Punit Bonabon sa akdang “Bato”
(Tanaga)
Unang gantimpala – German Villanueva Gervacio sa akdang “Ang Manlililok ng Sarimanok ng Tugaya”
Ikalawang gantimpala – Ferdinand Eusebio sa akdang “Kubing”
Ikatlong gantimpala – Christine Marie Magpile sa akdang “Gong”
Dula Tayo 2022
Unang gantimpala – Edward Joseph Fernandez sa akdang “Kahit Isang Binhi”
Ikalawang gantimpala – Ferdinand Eusebio sa akdang “Timbulan”
Ikatlong gantimpala – Cristy Mae Cureg sa akdang “Perlas sa Umaga”
Ikaapat na gantimpala – Francisco Monteseña sa akdang “Himutok: Pag-ahon sa Isang Dakot na Bundok”
Ikalimang gantimpala – Joanah Pauline Macatangay sa akdang “Abe”
Makata ng Taon 2022
Unang gantimpala – Paterno Buban Baloloy Jr. sa akdang “Hindi Parisukat ang Hugis ng Gubat”
Ikalawang gantimpala – Mark Anthony Angeles sa akdang “Buntot Kang Gumuhit sa Lawas ng Dalubtalain”
Ikatlong gantimpala – Keft Sina-On Sobredo sa akdang “Mga Pira-piraso ng Dagat”
Gawad Dangal ng Panitikan 2022
(Kategoryang Institusyon)
Tahanan Books for Young Readers/Ilaw ng Tahanan Publishing, Inc.
(Kategoryang Indibidwal)
Efren Reyes Abueg
Paul Dumol
Maria Josephine Barrios-Leblanc
Tony Perez
Rommel Rodriguez
Rose Torres-Yu