LACSON KAY PACQUIAO: SABAY NATING ITAAS ANG KAMAY NI SOTTO
HINIMOK ni Senador Panfilo Lacson ang kapwa niya presidential candidate na si Manny Pacquiao na magkaisa silang suportahan si Senate President Vicente 'Tito' Sotto III bilang vice presidential bet.
HINIMOK ni Senador Panfilo Lacson ang kapwa niya presidential candidate na si Manny Pacquiao na magkaisa silang suportahan si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III bilang vice presidential bet.
Ginawa ni Lacson ang paanyaya kasunod ng pagtanggap niya ng paghingi ng paumanhin ni Deputy Speaker Lito Atienza nang manawagan ito sa kanya na umatras na at bigyang-daan ang tambalang Pacquiao-Sotto.
Ito ay nang aminin ni Atienza na pinag-iisipan niyang mag-withdraw sa laban bunsod ng kanyang kalusugan.
“Ako I walk the talk so sinabi ko kanina ‘yun ang suggestion sa halip na mang-engganyo na mag-withdraw, adopt na lang natin na common candidate, gusto ninyong magkasama kaming tatlo sa stage kapag nag-rally. Pareho naming itaas ang kamay ni Senate President. May kanya-kanya naman kaming platform. Bahala na ang tao mamili sa amin ni Senator Pacquiao,” pahayag ni Lacson.
“May mga katangian siya na siguro wala sa akin at may mga katangian ako na siguro wala sa kanya,” dagdag ng senador.
“Parang friendly competition, pagalingan na lang tayo sa pagkumbinsi sa mga kababayan natin kung sino sa ating dalawa ang mas karapat-dapat,” giit pa ni Lacson.
Sinabi ni Lacson na natutuwa siya sa nga endorsement na nakukuha ni Sotto maging ang patuloy na suporta sa kanya ng Partido Reporma.
Ipinagpasalamat naman ni Sotto ang suporta sa kanya ng ka-tandem.
“Wala akong ibang reaksiyon kundi magpasalamat, siyempre sa endorsement, endorsement ng mga kaibigan, endorsement ng taumbayan. laging welcome iyan. Ang totoo niyan, bago kami nagdesisyon, bago kami nakaisip mag-file, nag-meeting kaming 3 ni Senator Pacquiao, nabanggit na ni Senator Lacson sa kanya ‘yun. Wala lang kaming naging desisyon nung araw na ‘yun,” paliwanag ni Sotto.