GOBYERNO DAPAT MAG-INVEST SA TELECOM INFRASTRUCTURE – SOLON
HINIMOK ni Ang Probinsyano partylist Rep. Ronnie Ong ang pamahalaan na simulan ang paglalagak ng pondo para sa mga imprastraktura na may kinalaman sa komunikasyon.
Ayon kay Ong, layon nito na mapalakas ang internet connection sa bansa upang matiyak ang de-kalidad na edukasyon sa isinusulong na blended learning sa ‘new normal.”
“Our government should start investing on infrastructures as well for better, faster, and accessible internet connection, and telco sites to equip our learners and teachers for online distance learning,” pahayag ni Ong.
Ipinaliwanag ng kongresista na hindi dapat makuntento ang gobyerno sa pagdepende sa investments ng mga pribadong kompanya sa internet towers dahil ang mga ito ay nakapokus lamang sa kanilang pagnenegosyo.
Kasabay nito, sinabi ng mambabatas na ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address na wala munang face-to-face classes hanggang walang bakuna laban sa Covid19 ay dapat na magsilbing hudyat sa Department of Education upang ipagpaliban ang pagbubukas ng klase.
Binigyang-diin ni Ong na dapat din umanong ikonsidera ni Education Secretary Leonor Briones sa pagdedesisyon sa pagsisimula ng klase ang kakayahan ng bawat estudyante at mga guro sa blended learning.
Kasama, aniya, sa dapat ikonsidera ang mga equipment ng mga estudyante at guro, gayundin ang internet access ng mga ito, lalo na sa mga liblib na lugar.
“We cannot resume classes relying on online learning without ensuring they have access to the internet,” dagdag pa ni Ong.