PULSE ASIA SURVEY PINALAGAN NG LACSON-SOTTO TANDEM
INALMAHAN nina presidential bet Senador Panfilo Lacson at running mate Senate President Vicente Sotto III ang resulta ng pinakahuling election survey ng Pulse Asia.
INALMAHAN nina presidential bet Senador Panfilo Lacson at running mate Senate President Vicente Sotto III ang resulta ng pinakahuling election survey ng Pulse Asia.
Muling nanindigan sina Lacson at Sotto na hindi nila nararamdaman sa lugar na kanilang mga binibisita ang mababa nilang ratings sa survey.
Sinabi ni Lacson na hindi niya maunawaan kung saan kinukuha ang mga numero sa survey na hindi naman sumasalamin sa nakikita nila sa mga tao.
Itinuturing naman ni Sotto na ‘mind conditioning’ ang mga survey na hindi na dapat pinaniniwalaan.
Nagpahaging pa ang lider ng Senado na dapat managot ang mga survey firm sakaling magkatotoo ang resulta ng survey at nagpatuloy ang paghihirap ng taumbayan.
Tanong pa ni Sotto kung may mga nagawa ba ang mga nanalo sa survey noong nakaraang eleksiyon at kung umunlad ba ang bansa.
Samantala, sa pagharap ng tandem sa mga residente ng Argao, Cebu, ipinaalala ni Sotto ang pangakong endo bill ni Pangulong Rodrigo Duterte noong ito ay nangangampanya para sa presidential elections.
Binigyang-diin ni Sotto na pinagdebatehan at ipinasa nila sa Kongreso ang endo bill na isinuong ni Senador Joel Villaneuva subalit pagdating kay Pangulong Duterte ay vineto ito o hindi pinirmahan kaya wala ring nangyari para sa mga manggagawang umasa.
“Panghuli lang dito, ‘yun pong isang pangako nung nakaraang eleksiyon, noong 2016, ‘di ba may ipinangako sa inyo ‘yun daw endo. ‘Di ba ipinangako iyan e ‘yung contractualization, ‘yung endo, aalisin na raw, ‘di ba? Ano ang ginawa ng Senado? Ipinasa namin. Ipinasa namin ‘yang contractualization si Senator Joel Villanueva sponsor namin, ipinasa namin ano ang nangyari? Vineto ng presidente. Ano ‘yung vineto? Ayaw pirmahan, ibinalik sa amin. Oh alam ninyo na. ‘Di ba?,” diin ni Sotto.