LEARNERS SA PARANAQUE PINAKUKUHA NA NG PHILHEALTH INSURANCE
PINAKUKUHA na ng pamahalaang lokal ng Parañaque ang mga estudyante sa lungsod na may edad 21 pataas ng PhilHealth insurance bilang preparasyon sa face-to-face classes.
Sa pagkuha ng PhilHealth insurance, nararapat na bumisita muna ang isang estudyante sa kanilang Barangay Local Health Insurance Office at magsumite ng mga requirement tulad ng photocopies ng birth certificate na inisyu ng Philippine Statistics Authority (PSA), pinakahuling school ID, pinakahuling school enrollment at registration card, gayundin ng barangay certificate of indigency.
Napag-alaman sa pamahalaang lungsod na matapos makumpleto ang nabanggit na mga dokumento ay maaari nang bumisita ang isang estudyante sa Parañaque Health Plan Office upang maasistehan ito sa pagpa-file ng PhilHealth member registration form at ma-secure ang iba pang dokumento.
Dagdag pa ng lokal na pamahalaan na ang naturang tanggapan ay makatututlong din sa mga estudyante sa kanilang pagkuha sa tanggapan ng City Social Welfare Development ng sertipikasyon ng financial incapability at kopya ng kanilang family profile.