PHILIPPINE SCIENCE HS PANG-RICH KIDS LANG? PISAY EXECUTIVE DIRECTOR PUMALAG!
PUMALAG ang pamunuan ng Philippine Science High School sa komento ng isang organisasyon na pang-mayaman ang kanilang eskuwelahan dahil karamihan sa mga nakakapasok dito ay mga nagmula sa pribadong paaralan.
Sa pagdinig ng House Basic Committee on Education and Arts na pinangunahan ni Pasig City Rep. Roman Romulo, nabanggit ni Flora Arellano, pangulo ng Civil Society Network for Education Reforms o E-Net, ang kanilang obserbasyon na ‘pang-mayaman’ ang Pisay.
Ginawa ito ni Arellano sa kanyang komento at rekomendasyon kaugnay sa pagtalakay sa House Bill 4338 o ang panukalang pagbalangkas ng national program para sa Filipino gifted children.
“We have the Philippine Science High School but many of our gifted and talented can’t have access not because they don’t qualify but probably there is a quota behind it. And most of the learners that were accommodated or receive scholarship grants belong to the middle class or upper class,” pahayag ni Arellano.
“That’s why a parent of gifted children coming from a low and middle income family can attest to this. It’s not Pisay. Pisay is pang-rich kids, not for kids belonging to low income families,” dagdag pa ni Arellano.
Alinsunod sa pinag-uusapang panukala, isinusulong ng author na si Pangasinan 5th District Rep. Ramon Guico III na magtayo ng mga karagdagang paaralan para sa gifted children.
Agad namang sumagot si Executive Director Lilia Habacon ng Pisay at iginiit na ang batayan ng pagtanggap nila sa mga estudyante ay ang kanilang karunungan at pagkahilig sa Science and Technology.
“I would like to correct the impression that there are more students coming from private school in Philippine Science High School. In the last two years there are more coming from public schools except maybe ang nakikita lang natin ay itong nasa main campus na ang mas marami roon ay coming from private school but we have 15 regional campuses,” pahayag ni Habacon.
“And also ‘yung pangmayaman lang, medyo alarming ang pagka-state nun kasi di naman po yaman ang basis ng aming admission. It’s really their aptitude in Science and Technology,” pagbibigay-diin pa ni Habacon.
Nilinaw naman ni Habacon na suportado rin nila ang panukala dahil mas maganda na magkaroon ng mas maraming paaralan para sa gifted subalit kailangang tiyakin na may sapat na kuwalipikadong tao na mamamahala sa mental health ng mga estudyante.
Inamin naman ni Department of Education Undersecretary Tomasito Umali na may reservation sila sa probisyon sa panukala hinggil sa acceleration process sa mga estudyante.
Ipinalwianag ni Umali na may mga pagkakataon na ang batang umaangat sa kanyang mga ka-edad, minsan ay hindi na nakasasabay kapag na-accelerate sa mas mataas na lebel na ang mga kasama ay mas may edad sa kanya.
Ipinagpaliban ng komite ang pag-apruba sa panukala upang pag-aralan ang iba pang position paper ng iba’t ibang ahensiya at organisasyon.