Nation

GMRC, VALUES EDUCATION HINDI PA MAIBABALIK NGAYONG TAON – SOLON

/ 31 July 2020

HINDI pa maibabalik sa mga klase ngayong school year 2020-2021 ang araling Good Manners and Right Conduct at Values Education, pahayag ni Cagayan De Oro Rep. Rufus Rodriguez.

Ipinaliwanag ng kongresista na kailangan pang bumalangkas ang Department of Education ng implementing rules and regulations para sa Republic Act 11476 na nagsasaad na dapat maisama na sa K to 12 curriculum ang GMRC at Values Education.

Gayunman, iginiit ni Rodriguez na kailangan na ring paghandaan ng DepEd ang reintroduction ng mga subject na ito sa lalong madaling panahon.

Sinabi ni Rodriguez na kapansin-pansin na tila’y nakakalimutan na ng kabataan ang tamang pag-uugali, lalo na sa panahon ng internet at modern devices at gadgets.

“The law is in consonance with the goal of improving comprehensively our primary education system. It is high-time that we emphasize that quality education does not only entail strength in math, science, and other core subjects; rather, it includes the moral, physical and mental well-being of our youth,” mariing pahayag ni Rodriguez.

Ayon pa sa kongresista: “Sa implementasyon ng batas ay kailangan ang pagtutulungan ng guro at magulang, gayundin ng komunidad.”

Idinagdag pa ng mambabatas na malaking hamon din ito sa DepEd, bukod pa sa kinakaharap na mga suliranin sa ‘new normal’ na blended learning program.