BAGONG PAMBANSANG MUSEO NG DAVAO MAGBUBUKAS NA SA 2021
INAASAHANG magbubukas sa susunod na taon ang pinakabagong National Museum of Davao na magtatampok ng samu’t saring artefakto at sining na mas makapagpapakilala sa yaman ng tradisyon at kultura ng Rehiyon ng Davao.
Sa isang panayam sa pinuno ng Museo Dabawenyo na si Winnie Rose Galay, nagsisimula na silang maghanda para sa operasyon ng National Museum sa 2021.
Hindi lamang ito simpleng museo sapagkat samu’t saring lokal na artista ng Filipinas ang magtatanghal ng kani-kaniyang mga exhibit dito.
Ipinagmamalaki rin ni Galay na ang kasalukuyan nilang curation ng mga makasaysayang kagamitan ay tiyak na hahatak ng mga turista at makapagdaragdag ng kaalaman sa mga mag- aaral at guro ng kasaysayang Davao.
Limang palapag ang disenyo ng National Museum at mula una hanggang ikalimang palapag ay pupunuin ng mga mahahalagang pirasong makapagpapaigting ng identidad Dabawenyo.
Bukod sa sining, oportunidad sa paghahanapbuhay rin ang alok ng proyekto; makatutulong sa unti-unting pag-ahon ng probinsya sa ekonomikal na pinsalang dulot ng Covid19.
“Pinatutunayan ng National Museum at ng Museo Dabawenyo ang pagpapahalagang dapat ibigay ng bawat mamamayan sa kultura’t sining mayroon ang ating bayan, “ sabi pa ni Galay.