Nation

SOCIAL DISTANCING SA F2F CLASSES PINATITIYAK

/ 13 March 2022

PINATITIYAK ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro sa gobyerno na masusunod ang physical distancing sa pagbabalik ngface-to-face classes sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1.

Ito ay kasunod ng desisyon ng Inter-Agency Task Force na payagan na ang 100 percent capacity ng mga klasrum para sa in-person classes.

“Napapanahon nang mag-face-to-face classes pero hindi puwede ‘yung 50 students per classs, maximum na ‘yung 25 students para masunod ang physical distancing,” pahayag ni Castro sa The POST.

Iginiit din ng kongresista na panahon na upang magdagdag ng mga guro para matiyak ang dekalidad na edukasyon.

“Magdagdag ng teachers dahil kailangan. Hindi rin dapat tumagal ng 4 hours ang mga bata sa classroom,” aniya.

Kasabay nito, pinatitiyak ng mambabatas na nakasusunod ang mga paaralan sa mga hakbangin para maiwasan ang pagkalat ng Covid19.

Kabilang dito ang maayos ang bentilasyon ng mga paaralan at may sapat na tubig para sa sanitasyon at inumin.

Iginiit din ni Castro na gawin na ring on-site ang pagbabakuna sa mga bata at guro na handa nang tumanggap ng anti-Covid19 vaccines.