Nation

PANAWAGAN NG E-NET PH: INCLUSIVE, SAFE AND QUALITY EDUCATION!

/ 10 September 2020

NANAWAGAN ang E-Net Philippines, isang alyansang binubuo ng higit 130 organisasyon sa bansa, para sa isang ‘inclusive, equitable, safe, quality literacy programs’ para sa mga disadvantaged at marhinalisadong sektor ng lipunan sa pagdiriwang ng International Literacy Day nitong Setyembre 8.

Mula 1967, sang-ayon sa deklarasyon ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization, ay ipinagdiriwang ang Literacy Day tuwing Setyembre 8 upang tutukan ang kahalagahan ng pag-aaral bilang karapatang pantao sa buong mundo.

Gayundin, sa Sustainable Development Goal 4 on Quality Education ay nasusulat na kinakailangang masiguro ng mga alyadong bansa ang pag-abot sa literacy and numeracy ng mga babae at lalaki pagsapit ng 2030.

At ngayong taon, sa temang “Literacy Teaching and Learning in the Covid19 Crisis and Beyond: The Role of Educators and Changing Pedagogies”, pinili ng E-Net Philippines na bigyang importansiya ang isyu ng mga mag-aaral na tila napag-iiwanan sa distance learning at iba pang mga bagong modalidad ng pag-aaral sa gitna ng krisis pangkalusugan.

“The pandemic has certainly disrupted society’s normal functions and is disproportionately marginalized sectors and the learners. It has exposed the weakness and limitations of the current literacy system,” ayon sa organisasyon.

“It is high time to revisit its strategic goals of providing inclusive, equitable, and quality education so as to ensure that ‘no one is left behind in education’,” mensahe ng organisasyon para sa lahat, partikular sa pamahalaan.

Pinakikilos din nila ang mga ahensiya ng gobyerno upang maglaan ng mas malaking investment sa National Literacy Program ng mga Filipino, anuman ang edad, sa lahat ng konteksto ng buhay, sa pamamagitan ng pormal, ‘di pormal, at iba pang pamamaraan nang may pagtatangi sa marginalized, excluded, and vulnerable sectors ng bansa.

Kasama sa mga isinusulong ng E-Net ang pagpapalakas sa Alternative Learning System, pagtatayo ng Community Learning Centers at Resource Centers for Inclusive Education of Learners with Disabilities, ebalwasyon ng Gender and Development plans ng Department of Education, pagbibigay ng Standard Madrasah Curriculum para sa bawat batang Muslim, at iba pa.

Sa huli, kaakibat ng islogan na “Edukasyong Sapat, Ligtas, Karapat-dapat Para sa Lahat” ay idiniin nilang nawa’y mapabilis ng Kongreso ang pagpasa ng mga panukalang batas tungkol sa pag-aaral ng mga estudyanteng may kapansanan, out of school youth, at mga pambansang minorya.