PASIG MAYOR VICO SOTTO NO SA ‘ACADEMIC FREEZE’
HINDI maaaring matigil ang edukasyon nang dahil sa pandemya, ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto.
“Hindi po tayo dapat tumigil sa trabaho specifically sa larangan ng edukasyon dahil may isang pandemya. Hindi naman po puwedeng isang taon o higit pa na titigil ang pag-aaral ng mga kabataan natin, so kailangang maging adaptable po kami,” pahayag ni Sotto sa isang online press conference ng Department of Education.
Ayon sa alkalde, kailangang maging ‘adaptable’ ang lokal na pamahalaan sa pagbabagong dulot ng Covid19, lalo na sa larangan ng edukasyon.
“Kaming mga mayor, kami pong nasa lokal na pamahalaan para i-assist din ang Department of Education, magtulungan tayo para tuloy-tuloy ang pag-aaral ng ating mga kabataan,” pahayag niya.
Samantala, agad na kumilos ang pamahalaang lokal ng Pasig upang matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante at mga guro ng mga pampublikong paaralan.
Sinabi ni Sotto na naglaan ng halos P1.3 bilyong pondo ang kanilang lungsod para sa pamamahagi ng tablets sa mga estudyante at laptops sa mga guro.